Wednesday, August 6, 2008

MAGKAIBANG MUNDO


akda ni JIMI JURADO


(MULA SA KUWENTO NG PAG-IBIG NI LEE BARCELON)


Paano ba masusukat ang isang pag-iibigan? Tatagal ba ito kung hindi naman kayo magkasama sa lahat ng oras? O kaya pinaglayo ng tadhana? Posible bang mawala din kusa ang tamis ng pagmamahalan...ang init ng suyuan?


Para kay LEE, walang imposible sa pag-ibig kung may tiwala lang sa isa't-isa...at kung tunay ang nilalaman ng puso para sa minamahal. Dahil kahit nasa'n ka man naroon at kahit gaano man katagal mawalay sa piling ng mahal mo, kung tunay ang bawat pintig at tibok ng puso, sa muling pagkikita ay wala pa ring pagbabago sa damdamin ng bawat isa. Muli pa ring mararamdaman ang init ng bawat higpit ng yakap at lambing at tamis ng bawat halik.


Matagal na silang magkalayo sa isa't-isa. Halos limang taon na rin. Si Maricar ay isa ring OFW sa Dubai. Si Lee naman ay isang taon na dito sa Taiwan.Ramdam pa rin niya ang sakit na nadama ng magpasyang makipagsapalaran sa ibang bansa ang kanyang mahal.


Kaysakit ...nasa dibdib pa niya ang kirot ng pagpapaalam na iyon.


Kasabay ng pag-agos ng mainit na luha, iniwan siya ng kanyang minamahal na dala ang mga pangarap na hinabi ng kanilang pag-iibigan.Isang mainit at kayhigpit na yakap ang tanging pabaon niya...na hanggang ngayo'y naaalala niya sa kanyang pag-iisa.


Taong 2005.

Sa kagustuhan niyang mapadali at makaipon agad para sa katuparan ng pangarap nila, nagbakasakali siya na mahanap sa ibayong dagat ang kasagutan ng katuparan ng mga pangarap na iyon. At dito sa Taiwan siya ipinadpad ng tadhana.


Kaylungkot ng bawat araw na umusad....Kayhirap magpalipas ng isang magdamag na wala sa tabi ang minahamahal at nagmamahal.Kayraming tukso ang sumubok sa kanyang kalungkutan...ngunit daig ito ng matinding pag-ibig para sa tanging babaeng nagpatibok sa puso niya.Dahil ang tanging nasa diwa't puso niya...kahit pa nasa magkaibang bahagi ng mundo...di pa rin siya humihinto sa pangangarap na sa dulo ng kayhaba at kayhirap na pinagdadaanan nila ngayon, sila pa rin ang itinadhana at minsan pa'y ipagpapatuloy ang nasimulang pagmamahalan.


At tuparin ang kanilang mga pangarap na binuo ng tunay na pag-iibigan. At sa pagkikitang iyon, hinding-hindi na niya papayagan pang muling sila'y magkalayo hanggang......wakas.

Tuesday, August 5, 2008

HIMALA NG PAG-IBIG



AKDA NI JIMI JURADO

(MULA SA KUWENTO NG PAG-IBIG NI JEYVHEL BAQUIRAN)

"Paano kung hindi ka dumating sa aking buhay? Paano ko kaya itutuwid ang buhay kong walang kulay...at ‘di alam kung ano at saan patutungo? Magiging masaya kaya ang puso kong mapaglaro, kung ‘di ka dumating at tinanggap ako bilang AKO at ‘di minahal ng isang IKAW?”

Kaydami pang katanungan…

Ngunit ito ang malimit at lagi niyang naitatanong sa hangin patungo sa kanyang mahal sa tuwing magkasama sila at hindi mapatid ang lambingan ng kanilang tunay na pagmamahalan.

Apat na taon na si Jeyvhel dito sa Taiwan. Ang unang 3 taon niyang pagtatrabaho ay parang isang laro lang. Walang halaga ang pinagpaguran at pinaghirapan niyang kita, makasama lang ang mga kaibigan....at di niya alintana ang mga panaghoy ng mga pusong kanyang sinaktan at pinaasa.

Sa kanyang pag-iisa'y lagi siyang binabalot ng kalungkutan patungo sa kawalan...laging may hinahanap...laging may kulang. Para bang wala siyang kasiyahan na nadarama.Parang isang bangungot lang ang lahat ng siya'y gisingin ng matamis at malambing na ngiting iyon ni Michelle.

Ang mga ngiting iyon ang bumago sa takbo ng kanyang buhay...at ang pagpintig ng kanyang puso sa araw na iyon ay kakaiba...walang halong pag-aalinlangan na sa haba ng pagkakahimlay niya sa madilim na bahagi ng kanyang buhay ay nasa harap na niya ang tunay niyang hinahanap...ang tanging babaeng magbabago ng kanyang pagkatao.....at kanyang mamahalin ng higit pa sa buhay niyang tinataglay.Hindi na niya maalala kung kailan sila unang nagkita...pero ang tanging alam niya, ang pagkikitang iyon ay kailanman mananahan sa kanyang puso at isipan...

Isang himala ang araw na iyon.
Ang araw kung kailan siya isinilang muli para mabuhay at matuto sa buhay...at mangarap para sa isang bukang liwayway ng masaganang umaga na kasama ang kanyang minamahal....at maging tunay at tapat sa pagmamahalan nila......magpakailanman.

KARUGTONG NG BUHAY KO



AKDA NI JIMI JURADO

(MULA SA KUWENTO NG PAG-IBIG NI ROMMEL SANCHEZ)


Minsan...umiibig tayo sa di inaasahan pagkakataon. Umiibig tayo sa isang panahong walang nakakaalam kundi ang tadhana...o...sa isang sitwasyon na mismong tayo ay di maniniwala na ito ay mangyayari sa buhay...sa pag-ibig. Paano ka makakaalpas sa lalim ng damdamin o sa isang pag-iibigang di sadya ng tadhana? Kaya mo kayang tanggapin ang sakit ng pagpapaalam kung ang bawal na pag-iibigan ay kakailanganin na ng panahon na wakasan o tapusin ang pagmamahalang di kailanman maaangkin ang puso ng bawat isa?”


Alas singko ng madaling araw noon...Breaktime ni Rommel sa pabrikang kanyang pinagtatrabahuan. Nakaupo siya sa madilim na bahagi ng kanilang kantina. Ramdam niya ang lamig ng panahon habang ipinapahinga niya ang pagod na katawan sa mahamog at malambot na sopa..Hindi niya alam kung bakit sa tuwing susubukan niyang ipikit ang mga mata...may isang anyo ang kusang sumusulpot sa kanyang imahinasyon. Isang napakagandang anyo ng nilalang, na siyang gumising sa kanyang puso sa matagal na pagkakahimlay.


Nagsimula ang lahat ng pagbabago sa takbo ng kanyang buhay….ang masiglang pagpintig muli ng kanyang puso...noong makilala niya si Lourdes.


At kanya pang natatandaan, isang tawag sa telepnono nung umagang iyon, nag-umpisa ang lahat.Hindi lingid sa kanyang mahal ang tunay niyang pagkatao. Sinabi niya ng walang pag-aalinlanganang isang bagay na sadyang napakahirap tanggapin. Pero kahit na meron ng nagmamay-ari ng puso niya...tinanggap pa rin siya...at ang pag-ibig niya ng buong pagtitiwala at pagmamahal.


Naging masaya ang bawat araw na lumipas habang kanilang pinagsasaluhan ang tamis ng kanilang pagmamahalan. Tila wala ng puwedeng humadlang pa sa kanilang suyuan sa bawat araw na daraan.Pitong buwan na lang ang ilalagi niya dito sa Taiwan. Matatapos na ang pinirmahan niyang kontrata...at alam niyang dito na rin matatapos ang isang napakagandang kabanata ng kuwento ng kanyang pag-ibig. Isang masakit na katotohanan na kailangan niyang tanggapin. Sobrang sakit kung iisipin....alam niyang matatagalan bago niya lubos na makalimutan ang mga alaala na pinagsaluhan na at pagsasaluhan pa nila.


Sa puso niya isisilid ang mga alaalang iyon...at ito ang magiging karugtong ng kanyang buhay. Tunay ang pag-ibig niya .....at alam niyang tunay rin siyang minamahal ng kanyang mahal.


“Mahal na mahal kita. Alam kung labis akong masasaktan sa paglalayo natin...Kahit di man kita maangkin..ang alaala mo'y karugtong na ng buhay ko...”


Ang mga katagang ito ang siyang babaunin niya sa kanilang paglalayo. At kung sila'y payagan ng tadhana na pagtagpuhin ang kanilang mga landas muli...


alam niyang tao lang siya...


marupok...


handang umibig at ibigin...


kahit ito man ay bawal.

ANINO NG PAG-IBIG



akda nina JIMI JURADO at KRISTAL de DIOS


(MULA SA KUWENTO NG PAG-IBIG NI REGINA BUENAVENTURA)


Sobrang lungkot ang mag-isa lalo na’t hindi sanay ang puso mo na wala siya. Makakayanan mo ba ang mga sandaling hindi siya mawala sa iyong isipan? Paano mo iiwasan ang isang anino sa iyong alaala na nakatago sa iyong puso?


Hindi maipaliwanag ni Regina kung bakit bigla na naman niyang naramdaman ang matinding pangungulila. Ramdam na naman niya ang paninikip ng kayang dibdib at ang pangingilid ng luha habang unti-unting nanunumbalik ang isang alaala na matagal na niyang itinanim sa limot. Mga alaalang minsa’y nagbigay ng kulay sa kanyang buhay.


Sunday. Day-off niya.


Masaya at magaan ang loob siyang nagpaalam sa kanyang amo. Sa Chungshan Road siya laging naglilibot. Sa lugar na iyon, na sakop ng Taipei, siya laging nagpapalipas ng oras.Kayraming Pinoy ang tumatambay dito para makasagap ng balita sa mga kakilalang kababayan.Masaya dito...parang nasa ‘Pinas ka lang.Nagsimba muna siya. Pasado alas-diyes na ng matapos ang misa. Dumiretso siya sa EEC-Elite para mamili ng ilang gamit at magpadala na rin ng pangmatrikula ng mga kapatid na kanyang pinag-aaral.


Mga bandang alas-tres. Nag-aabang siya ng masasakyang bus ng biglang may nagtanong sa kanya.


(ITUTULOY)

TADHANA NGA KAYA?



akda ni JIMI JURADO


(MULA SA KUWENTO NG PAG-IBIG NI JOEL "JAO" DALIDA")


Maraming tanong ang gumugulo sa ating isipan. Mga katanungan na karamihan ay walang kasagutan.Sakit na nadarama ng pusong luhaan...tao nga ba ang may kagagawan o ito'y sadyang nakaukit na sa ating kapalaran. Ito ba ay dulot ng PAG-IBIG o ito ba ay dala ng mapaglarong TADHANA.


“Lahat ay hahamakin para ang sinisinta ay maangkin, lahat ay haharapin, na kahit ang pusod ng karagatan ay sisisirin para ang iniirog ay maging akin.”


Isa lamang si Jao sa mga milyong-milyong taong napaglaruan, nasaktan at pinaligaya ng pag-ibig.Kahit na ilang ulit siyang sinaktan ng iniibig...kahit na paulit-ulit siyang nadapa sa pagkakamali...bumabangon parin siya at patuloy na sumusubok na isugal ang kaligayahan sa kakarampot na pagtingin ng babaeng iniirog.Pud-pud at durog-durog na ang puso niya... pagod na ang damdamin sa sitwasyong siya lang ang nagmamahal ng totoo.


Pero patuloy pa rin niyang minahal ng lubusan at ibigay ang lahat-lahat para sa natatanging babaeng itinitibok ng kanyang puso.


Taong 2004 ng maisipan niyang makipagsapalaran sa ibang bansa.
Sa isang factory sa lungsod ng Taipei siya napadpad. Nakipagsapalaran siya upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya at matupad ang mga pangarap nila ng babaeng kanyang minamahal.Sa paglipas ng mga araw ng pagpapakahirap niya dito sa Taiwan, di niya akalaing lilipas din ang panahon ng pag-iibigan nila ni Jenny. Nabalitaan niyang meron na siyang ibang minamahal.


Masakit.....napakasakit.
Wala siyang maling nagawa kung tutuusin.....hindi siya nagpabaya na madarang ng tukso sa mga panahon ng matinding pangungulila.


Masakit..Kaysakit isipin ng lahat halos ng oras habang naghahanapbuhay siya sa lupain ng mga tsekwa ay naroon naming nagpapakasaya ang kanyang mahal sa piling ng iba.Matagal ding nagluksa ang kanyang damdamin. Araw-araw....gabi-gabi niyang itinatanong sa gitna ng pighati kung bakit naging mailap ang tadhana para sa kanilang pag-iibigan.

Tatlong buwan din niyang dinala ang sakit sa puso niya. Tatlong buwang pangungulila at pagdurusa ng kalooban.Natanggap din niyang wala na ang kanyang sinisinta.Ngunit ganun pa man, siya'y hindi nawalan ng pag-asa na mahanap ang babaeng nakatadhana para sa kanya. At hindi nga naging maramot sa kanya ang tadhana dahil dumating sa buhay niya ang isang babaeng lubos na sa kanya'y nagmamahal.


Ang babaeng nagmulat sa kanya na hindi lang kay Jenny umiikot ang mundo niya.


Siya si Jocelyn.
Ang tanging nilalang na nagparamdam sa kanya ng tunay na pag-ibig. Sa kanya niya naranasan kung paano ang magmahal at kung paano pahalagahan ng isang minamahal.


Nagkaroon na muli ng kulay ang buhay niya.At wala ng ibang hihilingin pa kundi ang makasama siya hanggang sa kanyang paghimlay.